Site Owner: Tropang Noinois                                                                         Webmaster: Ricola_TheImmortal
MarkyCielo.Net
more...
SI MARKY BILANG ARAL
ni Petrick Franco (pidotred@yahoo.com)

Umaalingawngaw ang mapanglaw na tunog ng tambuli. Isang anak ng angkang Pilipinong may dalisay na dugo ang pumanaw. Tumatangis rin ang kordilyerang tahanan ng mga ninuno... 'di pa tupad ang tadhana.

Ganito ko isipin kung anong aral ang maaaring kunin sa maagang pagpanaw ng isang batang batang alagad ng kontemporaryong kulturang si Marky Cielo.

'Di ko kabisado ang tinakbo ng kanyang maikling panahon sa larangan ng pag-arte, bagaman isa rin ako sa mga manggagawang pangkultural na nasiyahan sa tinamong estado ng aktor na isang katutubong Pilipino, ilang taon pa lang ang nakalilipas.

Nakapanghihinayang. Marahil ay may malalaki pa siguro siyang mga pangarap... mga layuning mas lalong magpapatingkad pa sana ng kanyang katangian bilang isang representante ng kanyang lahing katutubo.

Marami rin siyang mga 'di na mare-reyalisang tungkulin sa pangkalahatang kultura nitong bayan... mga tungkuling nagmamadali na sapagkat unti-unti na ring nalulusaw ang mga natitirang maaaring paghugutan ng lehitimong impluwensya sa progresibong pagpapa-unlad ng kulturang Pilipino.

Pero... gaya ng iba pang mga nawala na sa atin, 'di panghihinayang ang dapat nating ipabaon kay Marky kundi kamulatan. Sa ngayon... isa munang Marky ang magmumula sa hanay ng ating mga batayang sektor. Nawa'y maging inspirasyon siya sa marami pang tinaguriang 'marginalized people' at balang-araw... gaya ng mga taga-Bolivia, uusbong na rin mula sa atin ang mga bagong pinuno lipunan.

At para naman sa lahat ng iba pang alagad ng kultura, dapat natin siguro laging isa-isip na wala nang ibang pang panahon kundi ngayon na, na marapat ilaan ang tunay nating pagsasa-puso ng ating mas mahalaga pang tungkulin sa lipunan. Wala nang iba pang panahon para magpaliban muna sa ngayon at magpati-anod na lang sa kumpas ng mga may kapangyarihang magdikta ng kung paano at kung saan dapat tumungo ang kulturang Pilipino.

Maaaring 'di maagang pagpanaw ang maging katapusan ng ating pagkakataong magawa ito... maaaring (kung sa mga artistang gaya ni Marky) pagka-laos o 'di kaya naman ay tuluyang pagkalulong na sa prestihiyong tinatamo sa larangan.

Sa gaya naman ng iba pang mas ordinaryong manggagawang pangkultural, maaari namang malusaw na lang ng mga pang-ekonomiya at iba pang isteryotipikal na mga isyu ang anumang ideyalismo natin sa huli kung sa mas maaga pa lang na panahon ay 'di na makasanayang isa-praktika.